Epidemya
- Annetta Mae Relado
- Dec 3, 2017
- 3 min read
Kung maaga-aga lang sana ‘kong nagkamalay sa mundo, makikilala ko pa sana sila nang lubusan. Maaga akong nagigising dati na ang unang naririnig ay puro bandang nagsisigawan, “Hupaw! Huhupaw! Huhupaw!” sabi ng Greyhoundz, “Dive in our heads and you'll see” sabi ng Queso, “Nasaan ang tsinelas ko?” tanong ng Kamikazee, “Wake up. You need to back up. You need to step back. Wake up!” sabi naman ng Slapshock, ewan ko na lang kung hindi ka pa magising. Wala akong gadgets noon kasi bata pa ako at dalawa ang kuya ko, naaalala ko na tulog na sila noon at hiniram—este kinuha ko ang MP3 player ng panganay kong kuya nang hindi nagpapaalam. Kinalikot ko lang at may mga nakita akong folders, pero sa Eraserheads talaga ako nagtagal. Habang tumutugtog pa, sinusulat ko ang lyrics kasi wala naman kaming internet at doon na nagsimula na bumalik ako sa mga tugtugin nila, partikular na ang mga banda noong dekada nobenta maging ang mga banda na nakilala noong early 2000s.

Unang beses kong nakita ang bokalista ng Eheads na si Ely Buendia; taong 2014 sa Sony Center, Festivall Mall, Alabang
Disbanded na ang Eheads— nag-reunion sila pero grade 6 pa lang ako noon, ang Bamboo naman ay 2011 nawala at ngayon ay ang bokalista’y may solo career na, halos parehas ang nangyari sa Sugarfree na disbanded noong parehong taon at ngayo’y may solo career na rin ang bokalistang si Ebe Dancel, ang General Luna— lahat ng miyembro nito ay mga babae at hinahangaan ko sila dahil bihira sa babae ang may banda; 2013 sila huling tumugtog sa Tanduay Rhum Rockfest VII at ngayo’y nakita ko na nagpalit ang official Facebook page nila ng profile picture, abangan na lang natin kung may yugto ang pagtatapos nila, ang Urbandub—akala ng lahat ay dahil sa April Fool’s Day lang; kung kailan namang nakikinig na ako sa kanila saka naman sila nagkaroon ng ‘indefinite hiatus’ nitong 2015, mahirap dahil walang kasiguraduhan kung kailan sila babalik, at marami pang mga banda na hindi ko na muling maririnig ng live. May mga disbanded na banda naman pero bumalik tulad ng Hale nitong 2015; limang taon pagkatapos na sila’y mawala, at ang Orange and Lemons naman na disbanded noong 2007 ay nagbalik ngayong taon pagkatapos ng isang dekada. At mula sa pagpapahinga ay may muling magbabalik ngayon taon, sa December 9 ay magbabalik ang Kamikazee; sa ngayon ay may patikim silang ilang segundo mula sa bagong kanta nila na may pamagat na Agimat, ito ay nasa kanilang Facebook page. Lahat ng mga bandang nabanggit ay kilala ng karamihan sa panahon ngayon pero itong mga bandang susunod ay hindi ko lang alam, matagal ko na silang napapakinggan dahil nga sa kuya ko, kaya’t nagsaliksik pa ako para mas malaman ko pa ang tungkol sa kanila. Sa bandang Kapatid ay hinanap ko muna ang bokalista sa Facebook; Nagulat ako dahil may “Remembering Karl Roy” ito kaya agad kong hinanap sa Google, maraming lumabas tungkol sa kanila at doon ko nakumpirma na pumanaw na nga ang bokalista noong 2012, hindi ko alam pero ang sakit sa puso, may kirot, kaparehas ng sakit kapag may kalandian ka tapos biglang kang iniwan.
Saka ko binalikan ang mga kanta nila, masakit dahil huli na at hindi ko na sila mapapakinggan pang muli sa lugar kung saan parehas kami nang hinihingahan. Kung may bandang hindi na muling mabubuo, itong sunod na banda naman ay hindi na nagparamdam—ang Virus Artists. Sabi ng kuya ko ay sila ang tumutugtog bago ang Slapshock, hinanap ko sila sa Google at nakakalungkot dahil wala kang makikitang background tungkol sa kanila kaya sa Facebook ako sunod na nagpunta; may ilan silang naka-post doon at may buong pangalan ng mga miyembro— Pribado ang sa bokalista/gitarista na si Jephysis Jephthah Wenceslao maging sa bahista nito na si Ayan Tolentino, sa drummer naman nito na si Janzoise Saz ay wala talaga akong nakita kahit sa Google. Ika nga ng kuya ko, walang tapon sa lahat ng mga kanta nilang nasa album na “Are You Infected?” magmula sa Suck Us, Save Our Love, Caramba, Stay With Me, Girl Be Mine, Wag Kang Maingay, Tahan Na, Let The Love Grow, Salamat Sa’yo, hanggang sa Dead Flies; sa lahat ng ito ay Salamat Sa’yo ang paborito ko, magmula sa tono nito at lyrics ay tiyak namang madadala ka. Ang huli nilang paramdam ay noong 2014 dahil naglabas sila ng music video ng kantang wala sa album, ang pamagat nito ay “Sasabihin”; hindi sigurado kung disbanded na ba sila o kaya’y nagpapahinga lang, kung nasaan man sila'y sana’y marinig ko pa/natin sila ng live dahil oo, infected na ako, maghawahan na tayo.
(Lahat ng mga cassette tapes ay ilan sa koleksyon ng panganay kong kuya. Kung nais niyong mahawa, ito ang nahanap ko na buong album ng Virus Artists:
at ito naman ang music video ng kanta nilang “Sasabihin”:
Mga pinagkuhaan ng impormasyon:
Comments